Kay gandang pagmasdan na sa darating na katapusan ng Marso ay mayroon na namang pangkat ng mag-aaral mula sa aking paaralan ang magtatapos. Maraming estudyante ang magsusuot muli ng toga at tatanggap ng kanyang pinaghirapang diploma. Ilang linggo bago ang nakatakdang pagtatapos ay naghahanda at nagsisipagensayo ang mga mag-aaral para sa kanilang espesyal na araw. Muli nilang bibigyang buhay ang entabladong nagsilbing tahanan nila sa maraming taon. Pilit nilang pinapaganda ang selebrasyon upang maging perpekto ang araw na sila ay huling magsasama-sama. Ang mga ngiting makikita sa mga mukha ng mga magtatapos ay walang kasing halaga. Ang hindi lamang alam ng ibang tao ay sa bawat ngiting ipinapakita ay mayroong luhang katumbas. Masakit mang isipin, kami na pala ang mga mag-aaral na magtatapos at aakyat sa aming entablado sa huling pagkakataon.
Napakahirap kalimutan ang mga taong naging bahagi na ng aking buhay. Sa loob ng napakahabang panahon ay sila ang nakakasama sa araw-araw na pagpasok sa eskwelahan. Ang mga kaklase kong kasama sa tuwa at sa lungkot, sa hirap at sa ginhawa. Sila ang nagpapasaya sa araw na puno ng hirap dahil sa tambak na mga leksyon na dapat aralin. Sila ang mga taong dati-rati lamang ay kasama ko pang nagpapadulas sa playground. Ngayong ay kasabay ko ng namimili ng kolehiyong nais pasukan. Tila kahapon lamang pleated pa ang gala na ating sinusuot, ngayon ay kailangan na nating gumamit ng sapatos na may matataas na takong. Napakabilis palang dumaan ng panahon. Kanina lamang ay alas siyete ng umaga, ngayon ay uwian na pala.
Ang daming ala-ala ang hindi ko malilimutan. Mula sa unang pagtapak natin sa hayskul, hanggang sa huling pamamaalam natin. Ang huling taon sa hayskul ay ang pinakamasaya at pinakamalungkot. Noong una ay sabik tayong lahat matapos ang taon at maging kolehiyo na. Ngunit ng mabilis ng dumarating ang mga huling araw, nais nating tumigil ang oras at balikan ang dati. Isa sa mga tiyak akong hindi malilimutan ng lahat ay ang unang beses tayong nagbatch retreat. Masaya ang lahat dahil dati lamang tayo ang nanunuod sa mga seniors, ngayon ay tayo na ang mga nakapila at kumakanta tuwing Biyernes. Sumunod noon ay pagsablay. Kung hindi tayo late, atat naman tayong magsimula. Nanalo tayo sa intrams. Nanalo tayo sa huling cheering. Sa huling pagkakataon, nakita ko na nagkaisa tayo sa mga araw na iyon. Ang siyam na pu't pitong puso't isipan ay nagkasama sama. Paano nangyari iyon? Wala akong alam na siyentipikong pagpapaliwanag. Basta ang alam ko ay mahal natin ang isa't isa.
Sa mga huling araw na tayo ay magsasama sama, sana ay puno ng saya ang ating mga mukha. Panay ngiti sa mga labi ang matutunghayan. Walang may gusto na tayo ay magkahiwahiwalay. Ngunit ito ay kailangan para tayo ay lalo pang mahubog at maging mabuting tao. Iba iba man ang landas na atin na'y tatahakin, ilagay sa isipan na kayong lahat ay may espesyal na parte hindi lamang sa puso ko, kung hindi ay sa buong buhay ko. Salamat sa magagandang ala-ala na babaunin ko sa aking paglalakbay. Salamat sa lagi niyong pag-akay. Salamat sa pagkakaibigan na walang kapantay. Salamat sa lahat.
Ngayon na ang huling beses nating susuotin ang polo't paldang ito. Ngayon na ang oras na magkakalayo layo. Ngunit hindi kailanman malilimutan ang pagmamahalan na nabuo para sa isa't isa.
No comments:
Post a Comment